•Oktubre 11, 2009 •
Mag-iwan ng Puna
Ang tagal bago ko muli nabisita ang account na ito. Walang epekto ang pangako ko sa sariling regular akong magsusulat ng kahit anomang naisin at siyang ipopost ko dito.
Sabi ko dati, walang pinanganak na magaling magsulat. Kapag masipag kang manuri at mag-isip, madali kang makasusulat. At hanggang ngayon, ito pa rin ang pinaniniwalaan ko. Kaya naman, pag tapos na ang sem na ito, babagalan ko ng konti ang pag-iisip at bibilisan ko ang pagsusulat.
Ipinaskil sa 1
Mga Marka: pagsusulat
•Agosto 9, 2009 •
Mag-iwan ng Puna
Higop.
Kung paano niya ako ginising sa mga gabing mapangutya.
Kung paano niya nasanggahan ang antok sa diwang nanghihina.
Lagok.
Kung paanong kami’y naging isa.
Kung paanong siya’y kakampi ko sa gabi at kaaway sa umaga.
Kung paano nagkaroon ng tingi at gintong kape.
Kung paano pinahaba ang gabi at pinaikli ang umaga.
Suka.
Kung paano niya ako minulat sa pait ng dilim.
Kung paano siya nanikil ng buhay.
Kung paanong nawalan ng ama, asawa, kapatid at kasama.
Kung paanong naging mas ganid ang mga kapitalista.
Kung paanong may dugo ang isang kape.
Pangakong ang kapeng iyon ay hindi kailanman magiging akin.
Pangakong hindi hihigop at lalagok ng kapeng kumikitil.
Pangakong ang laban mo ay laban ko din.
“Patuloy na pakikibaka hangga’t makamit natin ang katarungang matagal nang dapat sa manggagawa. Hindi masasayang ni isang patak ng dugo sa ating mga yumaong kasama.”
-Diosdado “Ka Fort” Fortuna
Ipinaskil sa Tula
Mga Marka: boycot nestle, ka fort, kape
•Agosto 9, 2009 •
Mga Puna
Ang hirap sa tibak, nakakalimot siya na siya din ay tao – may pangangailangan at may karapatan.
Hindi niya masisi ang drayber na matagal kung maghintay sa iba pang pasahero dahil naiintindihan niyang may pamilya siyang umaasa sa kakarampot niyang kita. Naiintindihan niyang katumbas ng bawat pasahero ang buhay ng binubuhay niyang pamilya.
Hindi niya masisi ang buntis na cashier sa mabagal nitong pagkilos dahil naiintindihan niya ang mahigpit na pangangailangan ng babaeng makapaghanapbuhay para mabuhay ng matiwasay ang anak niyang nasa kanyang sinapupunan. Naiintindihan niyang ayaw ng isang inang maranasan ng kanyang anak ang hirap na dinaranas niya ngayon.
Hindi niya masisi ang matandang janitor sa kupad nitong magtrabaho dahil naiintindihan niyang hindi ito pensyonado. Naiintindhan niyang may mga apo at anak pa itong pinapag-aral at wala siyang ibang alam gawin kung hindi ang maglinis. Naiintindihan niyang nais lamang ng janitor na makapagtapaos ng pag-aaral ang kanyang mga anak at apo dahil ayaw niyang maging tulad niya ang mga ito sa hinaharap.
Hindi niya masisi ang mga manggagawa o mga magsasakang nagiging dahilan ng mabagal na usad ng trapiko dahil sa kanilang mga kilos-protesta. Naiintindihan niya kasi ang pangangailangan ng mga ito na mangalampag ng mga ahensya ng pamahalaang hindi ibinibigay sa kanila ang kanilang mga karapatan. Naiintindihan niya ang pagod at hirap ng mga manggagagwa at magsasakang ito para lamang sa kaunting umento sa sahod at tunay na reporma sa lupa. At dahil naiintindihan niya ang mga ito, hindi iinit ang kanyang ulo sa trapiko dahil bababa siya sa kinasasakyan niya at
sasama sa kanilang protesta.
Malawak ang pang-intindi ng mga tibak. Kabisado niya ang lipunang kanyang ginagalawan. Hindi man niya alam lahat ng pangangailangan ng bawat isa, batid niyang bawat isa ay may pangangailangan.
Kaya naman,walang tibak ang may sobra-sobrang yaman. Walang tibak na palaging magara ang damit at mamahalin ang mga kinakain. Walang tibak na nananamantala ng kapwa niya tao. Walang tibak na hindi nagsasabi ng totoo.
Kaya para sa akin, walang tibak na negosyante. Walang tibak na burgis.Walang tibak na kapitalista. At walang tibak na pulitiko.
Ipinaskil sa Kung ano man
Mga Marka: aktibista, tibak