Ang hirap sa tibak
Ang hirap sa tibak, nakakalimot siya na siya din ay tao – may pangangailangan at may karapatan.
Hindi niya masisi ang drayber na matagal kung maghintay sa iba pang pasahero dahil naiintindihan niyang may pamilya siyang umaasa sa kakarampot niyang kita. Naiintindihan niyang katumbas ng bawat pasahero ang buhay ng binubuhay niyang pamilya.
Hindi niya masisi ang buntis na cashier sa mabagal nitong pagkilos dahil naiintindihan niya ang mahigpit na pangangailangan ng babaeng makapaghanapbuhay para mabuhay ng matiwasay ang anak niyang nasa kanyang sinapupunan. Naiintindihan niyang ayaw ng isang inang maranasan ng kanyang anak ang hirap na dinaranas niya ngayon.
Hindi niya masisi ang matandang janitor sa kupad nitong magtrabaho dahil naiintindihan niyang hindi ito pensyonado. Naiintindhan niyang may mga apo at anak pa itong pinapag-aral at wala siyang ibang alam gawin kung hindi ang maglinis. Naiintindihan niyang nais lamang ng janitor na makapagtapaos ng pag-aaral ang kanyang mga anak at apo dahil ayaw niyang maging tulad niya ang mga ito sa hinaharap.
Hindi niya masisi ang mga manggagawa o mga magsasakang nagiging dahilan ng mabagal na usad ng trapiko dahil sa kanilang mga kilos-protesta. Naiintindihan niya kasi ang pangangailangan ng mga ito na mangalampag ng mga ahensya ng pamahalaang hindi ibinibigay sa kanila ang kanilang mga karapatan. Naiintindihan niya ang pagod at hirap ng mga manggagagwa at magsasakang ito para lamang sa kaunting umento sa sahod at tunay na reporma sa lupa. At dahil naiintindihan niya ang mga ito, hindi iinit ang kanyang ulo sa trapiko dahil bababa siya sa kinasasakyan niya at
sasama sa kanilang protesta.
Malawak ang pang-intindi ng mga tibak. Kabisado niya ang lipunang kanyang ginagalawan. Hindi man niya alam lahat ng pangangailangan ng bawat isa, batid niyang bawat isa ay may pangangailangan.
Kaya naman,walang tibak ang may sobra-sobrang yaman. Walang tibak na palaging magara ang damit at mamahalin ang mga kinakain. Walang tibak na nananamantala ng kapwa niya tao. Walang tibak na hindi nagsasabi ng totoo.
Kaya para sa akin, walang tibak na negosyante. Walang tibak na burgis.Walang tibak na kapitalista. At walang tibak na pulitiko.

Gagamitin ko ang salitang “tibak” ayon sa iyong pagbibigay-kahulugan sapagka’t ganun din naman ang aking pagkakaintindi rito.
Pero…
may mga burgis na dating tibak , may kapitalistag dati’y tibak, at mga negosyanteng dating tibak — na naniniwalang sila’y nananatili pa ring may “pusong tibak”
bagama’t hindi na sila pasok sa ating pagbibigay-kahulugan ng salitang nabanggit.
Ito’y sa kadahilanang natural sa tao ang pagbabago — mabuti man o masama — hinihingi man ng pagkakataon o hindi — bagama’t batid ng lahat na hindi kelanman nagbabago ang konsepto ng mabuti’t masama, at least sa konsepto at pagpapaka-hulugang Pilipino.
_______
http://jumpingsalad.wordpress.com/2009/05/10/bad-anagrams-ng-u-p/
http://jumpingsalad.wordpress.com/2009/04/15/bakit-hindi-ako-naging-aktibista/
Maraming salamat sa pagbabasa.
May tanong lang po ako. Sa panahong may isang dating tibak na naging burgis, kapitalista o negosyante na naniniwalang sila pa rin ay may “pusong tibak,” hindi ba medyo nakakahiya nang i-claim na may “pusong tibak” sila dahil yung halos araw-araw nilang gingawa ay taliwas na sa mga DATI nilang paniniwala?
Totoo naman po na may mga burgis, kapitalista at negosyanteng dating mga tibak. At naniniwala po ako na kung sino man sila ngayon, produkto na lang yun ng hiningi mula sa kanila ng sitwasyon at pagkakataon na wala silang ibang nagawa kundi sundin.
Muli, maraming salamat.
“…hiningi sa kanila ng sitwasyon at pagkakataon…wala silang ibang nagawa kundi sundin.”
Tama.
Naniniwala rin ako na mutually-exclusive ang pagiging “tibak” at pagiging ahente ng “kapitalismo” lalo’t ideolohiya ang pinag-uusapan.
Nakakahiya na ngang mag-claim dahil may pagbabagong-anyo nang naganap. Gaya ng nasabi mo, hiningi ng pagkakataon.
Naniniwala pa rin ako na ang pusong aktibista ay mananatiling nandyan, hindi mawawala. Ang pagsasabuhay lamang ng nilalaman ng pusong ito ang siyang pinag-iba ng isang “tunay na tibak” at isang “nagbagong-anyo na tibak.”
Maaari din namang bahagi na lamang ng kasaysayan at alaala ng iilan ang buhay na dati nilang tinahak. At tama ka, nakakahiya na ngang mag-claim ang ngayo’y isa nang burgis na s’ya’y dating tibak.
Kahit ang isang marangal na propesyunal na dating tibak, kundi n’ya isasabuhay ang kanyang pagiging tibak, ay hindi na rin maaaring mag-claim na s’ya’y tibak. Kumbaga sa isang tumatandang hayop, ang isang aso ay naging isa ring tuta.
Hay. Tama nga ang sinabi mong yung pagsasabuhay ang pinagkaiba ng isang tunay na tibak sa isang nagbagong-anyong tibak.
Sana lang talaga hindi lang sa pag-claim ng isang “nagbagong-anyong tibak” na dati siyang tibak makaramdam ng hiya, kundi pati sa bawat pagkakataong bibili siya ng gintong kape at lalagpasan niya ang daan-daang nag-kikilos-protestang nagwawagayway ng pulang bandila.